top of page

A 5-year Journey

  • Marry Joy Eria Arminal
  • Apr 27, 2017
  • 5 min read

ISA, DALAWA, TATLO, APAT AT LIMA ni Marry Joy E. Arminal ISA ISA sa pinakamahalagang tao ang nawala sa'king buhay Isa sa mga pinagkakatiwalaan, paboritong kakwentuhan Sumbungan, umaga man o sa tanghalian maging sa hapunan Iniwan niya ko, pero may dahilan Kailangan kong matutunan Maging mas responsable at maging mabuting Ate Binigyan niya ng kakaibang kwento ang buhay ko Binigyan niya ng importansya ang tulad ko Kaya heto ako, handang bumawi sa mga pagkakamali ko Handang bumangon sa mga pagkakabigo ko Handang lumaban para sa pamilya ko Ma, hindi ako titigil Nagsisimula palang ang totoong laban ng buhay Haharap na ko sa panibagong mundo na makulay Patuloy kang magiging inspirasyon sa'king buhay Patuloy kong aalalahanin masasayang alalaang iniwan Patuloy kong tutuparin mga pangakong inilaan Para sa kinabukasan, hinding-hindi ako panghihinaan Salamat sa pagmamahal, sakripisyo at sa lahat lahat Ma Kahit na hindi ikaw ang makakasama kong magmartsa, Kahit na anong mangyari Ma, alam kong nandyan ka Na hindi mo ko pababayaan ano man ang mga nangyari sa nakaraan Na isa ka sa mga dahilan ng tagumpay ko sa kinabukasan Ikaw at ikaw pa rin ang hihilingin kong maging Ina Kahit sa kabilang buhay pa Hindi ako hihinto, kahit sukuan pa ko ng lahat ng tao sa paligid ko Alam kong ikaw lang ang naniniwala sa mga kakayahan ko Kahit na sa umpisa lagi mong kinokontra ang mga desisyon ko Namimiss na kita ng sobra Ma, kwentuhan tayo ulit kahit sa panaginip ko lang Kahit isang beses lang, kahit sandali lang Bago ko sumabak sa bagong laban, hayaan mong kahit sa panaginip ika'y aking mahagkan. DALAWA Dalawang beses kong pinilit na ibalik ang pagkakaibigang matagal kong inalagaan Pero sa huli, ako pa rin ang naiwan Bakit sa t'wing sasaya ka, may lungkot ka ring madarama Hindi ba pwedeng masaya nalang muna, kahit bukas kana malungkot? Hindi ba pwede yon? Kasi ang sakit sakit eh, ang sakit sakit Sabi niya, walang kalimutan kahit na ano pang marating namin pagkatapos ng kolehiyo Kahit na malayo, kahit na milya-milya ang pagitan niyo. Pero bakit? Bakit kailangan niyang magbago Bakit kailangang papiliin niya ko? Marami naman daw akong kaibigan kaya ayos lang na kalimutan ko na siya? Tama ba 'yun? Eh mas masakit yata 'yung halos makalimutan ka nya kahit na napakarami nang nangyari sa buhay mo na gusto mo siya ang kasama mo 'Yung iba nga suportado ng mga best friend nila, happy or worst moments man. Hindi sila nag-iwanan, stay strong sila friend Pero ako? Iniwan mo. Kinalimutan mo. Nakakalungkot man, pero patuloy pa rin akong umaasa na babalik ka. Na sa Graduation ko, kahit iaccpet mo man lang friend request ko. Okay na okay na ko. Masaya naman na ko nung nakita kitang okay. Galingan mo nalang sa buhay ha? Huwag kang susuko. Patuloy kong ipagdarasal ang tagumpay mo, mahal kong kaibigan. TATLO Tatlong tao na pinagkakatiwalaan ko mula nung ako'y nagkolehiyo hanggang sa pagtatapos ko ngayong ika-dalawampu't pito ng Abril Wala sa tagal ng pagkakakilala at tiwala sa pagkakaibigan May tiwala na naibigay ngunit 'di nagtagal ay nawasak din ng panahon May tiwala na hindi agad naibigay ngunit patuloy na pinapatibay May tiwala na hirap kang ibigay dahil sa una pa lang ay nahusgahan mo na sila kahit na 'di mo pa siya tuluyan nakilala Kaya kailangan matutunan natin ang tunay na halaga ng pagkakaibigan kasabay ng tiwala na kailangan nating pangalagaan. Pagkakaibigan na sana lahat ay nararanasan. Dahil mahirap mabuhay nang mag-isa. Mahirap kung mag-isa ka lang lalaban sa mundong puno ng pagsubok at pag-asa. Kaya magpatuloy ka, salamat sa iyong pagbabasa. APAT Apat na dapat ay sapat sa taong tapat Apat na dapat ay mas mahalin ko pa ng maluwat Sila na naiwang responsibilidad at obligasyon ko Ang dapat na pagtuunan ng puso't isip ko Hindi kung anu-ano na makakadurog lamang ng puso ko Ate, oo ako ang Ate Pero dapat bang parati ako ang makihati Dapat ako na ang maghati, sa mga gawaing 'di kaya ng iisa 'te Dapat ako na ang gumagabay sa mga kapatid kong nangungulila Sa pag-aaruga ng isang Ina Kahit na ano pang pagdaanan ay dapat na sama-sama Bilang isang pamilya Sila na ang dapat kong ipaglaban, sila na dapat kong kanlungan Pangako, hindi ako susuko para sa inyo Gel, Toy, Be at Pa Ayos lang na wala munang jowa, basta makapagtapos ng pag-aaral ang mga bata Matupad lang ang tanging pangarap ng Mama Kahit na wala na siya, tuloy lang tayo. Laban lang tayo. Kaya naman natin 'diba? Galingan pa natin ha? Kaya natin 'to Mas magiging proud ang Mama kung mas titibayan natin ang mga loob natin Mas magiging proud ang Mama kung buo pa rin tayo hanggang sa dulo Walang makakasira sa'tin Walang pwedeng makisawsaw sa pamilya natin Kahit 'san pa ko makarating, hinding-hindi ako hihinto Maipaglaban lang kayo. Tandaan niyo 'yan. LIMA Limang taon lang naman ako sa kolehiyo, mga katoto Sa loob ng limang taon na 'to Natutunan kong mga bagay na mas masarap atmasaya kung totoo Una, masarap at masaya Kung sa lahat subjects mo kada ay pasado ka Wala kang bagsak, walang pasang-awa 'Yung sakto lang, dun ka sa totoo lang Pangalawa, masarap at masaya Kung naranasan mo ang umabsent sa mga subject na feeling mo mabobored ka lang Oo aantukin ka, hihikab hanggang sa matapos ang oras At pupunta ka sa mga kaibigan mo para kumanta, manuod ng pelikula, sumayaw at marami pang iba Pangatlo, masarap at masaya Kung sa kolehiyo mo naranasan ang makipagbakbakan sa mga talastasan sa pagitan ng mga kapwa mo kamag-aral Oo, may makaka-away ka Pero masasabi mo rin minsan na "Okay din naman pala, hindi boring ang buhay kolehiyala" Pang-apat, masarap at masaya Kung naging parte ka ng pinakamalaking STUDENT BODY ng unibersidad na 'yong pinapasukan 'Yung hindi ka magkanda-ugaga kung papasok ka ba sa klase o aattend ka sa pinakamahalagang pulong ng konseho? 'Yung hindi ka mapakali kasi HEAD ka ng isa sa mga komite nito? 'Yung pagkatapos mong gawin ang lahat, hindi pa rin sapat Kasi hindi nila nakita ang importansya niyo, kinalimutan na nila kayo Kaya heto ka, bumawi Sa barangay ka naman nakisali Wala kang alam nung una, pero habang tumatagal na Madami ka na ring naiisip na solusyon sa mga problema Mga programa na magiging daan para sa pag-unlad ng mga kabataan na iyong nasasakupan Mga talento mo na unti-unti mong nadidiskubre dahil para ka na ring makina na de-kalibre Iba, ibang-iba ang politika Almusal, tanghalian, meryenda at hapunan mga batikos at paninira Wala kang ibang magagawa kundi ipagdasal sila Na sana isang araw, isipin naman nila 'yung para sa nakararami Na sana isang araw, wala nang kulay ang mamutawi Maging pantay-pantay lang parati Pang-lima, masarap at masaya Kung naranasan mong mainsulto ng mga tao sa paligid mo Sa paulit-ulit na tanong ng "Anong course mo?" "Saan ka nag-aaral?" "Ilang years yan?" Oo, apat na taon lang naman talaga dapat ang kursong kinuha ko Pero bakit limang taon ang inabot ko? Pasensya naman po, tao lang din ako Nasasaktan, natututo, pero bumabangon kahit anumang panahon. Kaya sa mga taong patuloy na humuhusga sa kakayanan ko, sige lang po Hahayaan ko kayo, ipagdarasal ko nalang na sana matauhan din po kayo At sa mga taong naniniwala sa mga talento at kakayanan ko Salamat sa inyo, salamat dahil kayo ang nagiging lakas ko bukod sa Diyos at pamilya ko. Salamat dahil tinutukan mo ito hanggang dulo Mahal kita, kahit na sino ka pa. Close man kita o hindi, may natutunan ka man o wala Ang mahalaga, nabasa at naintindihan mo 'tong aking talata. Salamat sa pagbabasa... ARMINAL, MARRY JOY E. BACHELOR OF SCIENCE IN INFORMATION TECHNOLOGY INFRASTRUCTURE TRACK BATCH MASIGASIG 2018

 
 
 

Comments


bottom of page